BOMBO DAGUPAN- Naibalik na kahapon ng mga otoridad sa Pilipinas mula sa Dubai, United Arab Emirates ang hinihinalang big-time Filipino child sex trafficker na si Teddy Jay Mojeca Mejia.
Sa isinagawang press conference sa Ninoy Aquino International Airport, isinalarawan ni Department of Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos Jr. si Mejia bilang “demonyo” dahil sa pagbebenta ng mga child sexual abuse and exploitation materials.
Napag-alaman umanong pinoprofile muna ni Mejia ang kaniyang mga biktima na nasa edad 9 hanggang 11 lalo na ang mga musmos na madalas tumatambay sa internet.
Tsaka niya umano ito o-offeran ng P500 kapalit ng litrato nito.
At gamit ang pinadalang litrato, gagamitan na ni Mejia ng pananakot ang bata para pumayag ito sa kaniyang masamang balak. At kung hindi pumayag ang kaniyang biktima, ilalagay na niya ang mukha ng bata sa pekeng litrato kung saan lumalabas na nakahubad ito.
Nabanggit din ni Sec. Abalos na ang mga nabibiktima niya ay nagagawa niya pang i-record habang ginagahasa ito at ibebenta pa ulit ang biktima niya hanggang sa maging alipin ang mga ito.
Ayon naman kay PBGen. Portia Manalad na nitong nakaraang taon nang makatanggap sila ng impormasyon sa kanilang help line kung saan nila nalaman ang channel ni Mejia at ang gcash account nito.
Sa kanilang imbestigasyon, napansin nilang nakapubliko ang channel nito at nakikita ang mga hubad na litrato ng mga bata. Nakitaan din nila na may mga premium members ang channel nito kung saan nagbabayad na ang mga miyembro para sa eksklusibong content.
At dahil dito, napag-alaman nilang mayroong higit 111 na mga bata ang nabiktima na ni Mejia.
Maliban diyan, lumabas din sa imbestigasyon na may 6 pang kasama si Mejia para patakbuhin ang kanilang sindikato.
Sinabi din ni PBGen. Manalad na nagpapatuloy na sila sa pagrescue sa mga nabiktima niya at ginamit nila ang pag-amin ng mga bata sa paghain nila ng warrant of arrest laban kay Mejia.