Dagupan City – Pormal nang sinampahan ng patung-patong na mga kaso ang sinuspending alkalde ng syudad ng Urdaneta sa lalawigan ng Pangasinan kaugnay sa umanoy pananampal at pagkuha pa nito ng kamera ng isang empleyado ng Provincial Information and Media Relation Office (PIMRO) ng Kapitolyo.
Batay sa dokyumentong inihain sa Office of the Ombudsman na natanggap noong Setyembre 6, 2024, sinampahan ng complainant na si Jairus Bien Fernandez Sibayan, 28 years old at photographer ng PIMRO, si Urdaneta City Mayor Julio ‘Rammy’ Parayno III ng kasong kriminal at administratibo.
Ang kasong administratibo ay grave misconduct, grave abuse of authority, conduct unbecoming a public officer, gross immoral conduct at conduct prejudicial to the interest of public service habang ang criminal complaint ay paglabag sa RA 3019 o ANTI-GRAFT AND CORRUPT PRACTICES ACT, slight physical injuries, robberry with violence against or intimidation of persons at slander and slander by deed.
Sa kanyang complaint-affidavit, inihayag ni Sibayan na sinampal umano siya ni Parayno at puwersahang kinuha ang kanyang camera kasama ang apat niyang tauhan. Dahil dito, nagkaroon siya ng pasa, internal injury sa kaliwang mata at muntik ng bumagsak sa sahig.
Naibalik na lamang ang camera na wala ng nakalagay na secure digital card o sd card. Nag-ugat ang kaso sa pagsampal umano ni Mayor Parayno sa complainant matapos isilbi ang preventive suspension order sa kanya.
Matatandaan na noong Agosto 12, 2024, isinilbi ang preventive suspension sa mismong opisina ng City Mayor sa Old City Hall kung saan pinangunahan nito ng Executive Assistant of the Provincial Governor na si Atty. Ronn Dale Castillo at Atty. Verna Perez, ang Secretary ng Sangguniang Panlalawiganan kasama ang complainant upang idokyumento ang kaganapan.
Ang 90 days preventive suspension order laban sa alkalde ay may kaugnayan sa administrative complaint nito sa umanoy paglabag sa Republic Act 11032 or the Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 na ipinatupad ng Sangguniang Panlalawigan Blue Ribbon Committee na siya ring didinig sa reklamo kontra sa alkalde.