Dagupan City – Hindi matatawag na voluntary surrender ang pagkakaaresto kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Francis Dominick P. Abril, Legal / Political Consultant, umabot na kasi sa 2 hanggang 3 linggo ang nagawang paghahanap sa puganteng pastor kung kaya’t malinaw na nakapaglaan na ng oras at manhunt ang hanay ng kapulisan sa bansa, dahilan upang hindi na ito matatawag pang voluntary surrender.
Hindi na rin maipapataw pa aniya ang posibilidad sa pagpapababa ng penalty ni Quiboloy dahil lumabas lamang ito nang magbigay na ang PNP ng ultimatum ng hanggang 24-oras at kung hindi tutugon ay hindi sila magdadalawang isip na pasukin ang isang gusali na ipinagbabawalan silang makapasok.
Nakikitaan naman aniya ng posibilidad sa aspeto ng law enforcement agency ng bansa ang pagkakaroon ng pagkakataon na mabuksan na rin ang iba pang mga sanga sa kaniyang kaso.
Hinggil naman sa kasong kinakaharap nito sa Estados Unidos, prayoridad muna sa ngayon aniya na tapusin ang hakbangin o court processes and procedures sa bansa at tuluyang iharap din sa Estados Unidos bilang pagtugon sa treaty sa ibang mga bansa.
Si Quiboloy ay nasa kustodiya na ng PNP Custodial center sa Camp Crame nitong Linggo ng gabi na siyang nakikitang taktika aniya ng Department of Justice upang ipa-consolidate si Quiboloy sa labas ng Davao at hindi masabi na home court niya ito.
Samantala, naniniwala naman si Abril, na hangga’t maari ay huwag na munang sumawsaw ang commitee members dahil walang makukuhang kasagutan kung mangyari ito at dapat ay tumutok na lang muna sa pagtatanong at aid of legislation para sa pagsagot pa ng mga pending cases.