DAGUPAN CITY- Ligtas na nakabalik sa kanilang mga pamilya at nasa maayos na kalagayan ang 6 na mga mangingisda sa bayan ng Bolinao na naitalang nawawala kamakailan matapos pumalaot upang mangisda.

Ipinagbigay-alam ni Brgy. Balingasay Captain Alma Ulep, 61 anyos, sa himpilan ng Coast Guard Station Pangasinan ang pagkawala ng mga ito.

Kinilala ang mga sakay ng unang motorbanca na si Freddie Yanday, kapitan; at sina Domeng Nunez at kinilalang Elyboy,na pawang mga crew, lahat ay parehong residente sa Brgy. Balingasay.

--Ads--

Namalaot sila noong Setyembre 1 sa layong 40 nautical miles mula sa kanilang barangay.

Habang ang mga sakay ng pangalawang motorbanca ay sina Rodelio Orpilan, ang kapitan; at sina Peter Caras at Jon Jon De Vera, ang mga crew.

Sa parehong araw din sila namalaot sa layong 50 nautical miles mula sa parehong lugar, lahat sila ay inaasahang makakabalik kinabukasan pero hindi nakauwi.

Agad naman nakipag ugnayan ang CGS Pangasinan sa mga lokal na mangingisda at sa Philippine Coast Guard kaugnay sa insidente.

Nitong Setyembre 3 nang unang makatanggap sila ng tawag na natagpuan na umano sina Orpilano at ang mga kasamahan nito sa katubigan ng Bacnotan, La Union.

Dali-dali naman nakipagtulungan ang CSG Pangasinan sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office Bolinao para sunduin ang mga mangingisda.

Kanilang naman napag-alaman na tumaob ang motorbanca na kanilang sinasakyan matapos itong hampasin ng malakas na alon at hangin sa layong 5 nautical miles mula sa kanilang lugar.

Nagawa naman nilang marecober ang kanilang sinasakyan subalit dahil sa malakas na hangin at alon ay dinala sila nito sa katubigan ng La Union.

Samantala, kahapon naman Setyembre 4, nang makatanggap sila ng tawag mula kay Fisherfolks Association President Kate Solidor ng Brgy. Balingasay na nakabalik na din sa kanilang lugar sina Yanday at mga kasamahan nito.

Kanilang napag-alaman na nagkaroon sila ng problema sa makina ng kanilang sinasakyan at dinala sila ng alon Poro Point, sa syudad ng San Fernado, La Union. Matapos maayos ang kanilang makina ay agad din silang bumalik .

Samantala, nakatanggap naman ang mga mangingisda ng medical assistance.