DAGUPAN CITY- Nasa ligtas na kalagayan ang bayan ng San Fabian habang nakararanas ng mahina hanggang katamtaman na pag-ulan dahil sa epekto ng bagyong Enteng.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Lope Juguilon, Head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office-San Fabian, bagamat nakaranas na ng pag-ulan kahapon, hindi naman aniya sila nakapagtala ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Gayunpaman, sa kanilang pagsasagawa ng pre-disaster reassesment ay patuloy ang pagbantay sa mga flood at landslide prone areas katulad na lamang ng Brgy. Cayanga, Brgy. Lekep-Butao, at Brgy. Nibaliw Narvante. Ito aniya ang mga lugar na malapit sa coastal waters.

--Ads--

Inaabisuhan din nila ang mga mangingisda na huwag muna pumalaot upang makaiwas sa anumang insidente.

Katulong din nila ang beach owner association na magpatupad ng mga advisories na pagbabawal sa pagligo sa karagatan.

Ayon pa sa kaniya, nasa normal na lebel pa naman ang taas ng tubig sa Cayanga river subalit patuloy pa din ang kanilang pagbantay dito.

Samantala, inasahan na din aniya nila ang malakas na pag-ulan kaya sinuspinde na nila ang mga klase kahapon. At sa bisa ng inanunsyo ng Provincial government, suspendido na din ang klase ngayon araw.

Dagdag pa ni Engr. Juguilon, nakahanda ang mga otoridad ng kanilang bayan kung sakaling magkaroon ng emerhensiya.

Gayunpaman, hindi pa sila nagsasagawa ng preemptive evacuation dahil nasa maayos pang kalagayan ang kanilang nasasakupan.