BOMBO DAGUPAN – “Nakakalungkot ngunit tinatanggap namin ito.”

Yan ang naging sagot ni Benjo Basas Chairperson, Teacher’s Dignity Coalition sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan dahil napag-iwanan ang Pilipinas sa ‘global standards’ sa Science at Math dahil ‘flat zero’ ang DepEd sa pagbili at distribusyon ng Science at Math equipment ­packages sa mga estudyante at zero rin sa distribusyon ng TechVoc equipment packages.

Aniya na ito ay dahil sa hindi nabibigyan ng sapat na atensiyon ng gobyerno ang sektor ng edukasyon sa bansa. Ang mga paaralan ay walang maayos na kagamitan at pasilidad, gayundin ang kakulangan sa mga libro ang iba pang mga learning materials.

--Ads--

Pagbabahagi niya na ilan lamang yan sa mga binobono ng mga guro at estudyante sa pang araw-araw kaya’t patuloy ang kanilang panawagan na mas pag-igihin ng gobyerno ang pag-aasikaso sa sektor ng edukasyon.

Kaugnay nito binigyang diin din niya na pinakamabuti lalo na sa lower grades na matutukan bagaman kapag hindi sila naasikaso ay hindi napapabuti ang pundasyon ng kanilang pagkatuto sa eskwela.

Malaki ding bahagi ang bilang ng mga estudyante sa isang klase kung saan ideal lamang aniya ang hindi tataas na bilang na 15 para sa kindergarten at 20 hanggang 25 naman sa iba pang higher grade levels.

Panawagan na lamang nito na ayusin ang ibang polisiya sa sektor ng edukasyon, magkaroon ng kaukulan at sapat na budget lalo na sa mga pampublikong paaralan sa bansa.