BOMBO DAGUPAN – Talamak ngayon ang bilang ng mga tinatamaan ng common illneses kung saan ang pinakamarami ay ang infectious diseases.
Ayon kay Dr. Glenn Joseph Soriano, US Doctor at Natural Medicine Advocate na ang mga dahilan nito ay maaaring dahil sa viruses, bacteria at fungi subalit ang pinakamarami ay ang tinatawag na viral infections.
Kabilang na rito ang ubo, sipon at lagnat.
Kung saan kapag tinamaan ka ng isang virus gaya ng sipon aniya na maaari ka ulit tamaan ng ibang strain ng nasabing virus matapos mong gumaling dito.
Bagamat ang viral infection na ito ay self limiting ibig sabihin sa loob ng isang linggo ay dapat magaling ka na o tapos na ito ngunit kung may commorbidity ang isang tao ay malaki ang tyansa na lumala ang nasabing sakit.
Gaya na lamang kung mayroong kang diabetes na kilalang “mother of all diseases” ay mas magdudulot ito ng komplikasyon na maaari ding magbunga ng pagkasawi ng isang tao kapag hindi agad naagapan.
Dagdag pa ni Dr. Glenn na maraming mga salik ang kailangang isaalang-alang sa ating kalusugan kaya’t mainam na magkaroon ng tamang pag-eehersisyo at balanseng diyeta.
Paalala naman nito sa lahat na mahalagang imentina ang healthy lifestyle upang makaiwas sa anumang sakit at mapataas ang ating immune system.