Dagupan City – Naging matagumpay ang ginanap na Inter-Barangay Mobile Legends Tournament na ginanap sa Macario Ydia Development Center kahapon (Agosto 31, 2024).
Pinangunahan ito ng Lokal na Pamahalaan at Sangguniang Kabataan Federation ng Mangaldan sa pamumuno nina Mangaldan Mayor Bona Fe De Vera Parayno, Councilor Mark Harold Bautista at Smart Communications Inc.
Layunin ng nasabing programa na naka-angkla sa adhikain ng alkalde na palakasin ang isports at iba pang mga programang pangkabataan sa bayan at maipamalas ang kanilang abilidad sa lumalaking komunidad ng eSports.
Kaugnay nito, ipinaabot naman ng punong tagapangasiwa ng aktibidad na si General Services Officer, Fernando Saguisag Cabrera katuwang si Municipal Sports Development and Management Coordinator, Dhey Benton ang mainit na pagtanggap at aktibong pakikilahok ng mga kabataan, lalo na ang mga online gamer sa bayan.
Samantala, sa 32 na grupong lumahok sa naturang paligsahan, nanguna ang koponan mula sa Barangay Talogtog na nagpamalas ng galing sa pakikipagbabakan sa loob ng Land of Dawn.