BOMBO DAGUPAN- Tila pang-aapak na umano sa karapatan pantao ni Kingdom of Jesus Christ Pastor Quiboloy at mga tagasunod nito ang mga isinagawang pagdinig at pagpasok sa kanilang kalupaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ernesto Alcanzare, President at CEO ng Yes for Peace, Inc., kataka-takang “trial by publicity” umano ang isinasagawang hearing ng senado laban kay Quiboloy at hindi isinagawa sa korte.

Kaugnay nito, tinatago pa umano ang pagkakakilanlan ng mga tinuturong biktima kahit pa man may karapatan ang isang akusado na harapin ang mga nambibintang sa kaniya.

--Ads--

At dahil dito, hindi malaman ang buong katotohanan ng magkabilang panig at hindi nagiging malinaw kung may tunay bang mga nabiktima.

Gayunpaman, hindi dapat aniya si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang mag-file ng kaso kundi ang mga nabiktima.

Maliban diyan, ipinagtataka din ni Alcanzare ang pagpasok ng daan-daang kapulisan at paghalughog sa KOJC compound kung warrant of arrest ang tanging inilabas. Subalit, umabot na ng isang linggo ang kanilang paghahanap sa loob ng compound.

Giit ni Alcanzare, simula pa lang noong unang araw ng kanilang pagpasok ay hindi na ito makatwiran dahil wala naman silang hawak na search warrant. At mas mabuting bumalik na lang ang mga kapulisan kung inihain na nila ito.

Saad pa niya na hindi dapat hinahayaan ang isinasagawa ng mga kapulisan kung hindi naman ito naaayon sa batas dahil maaari pa itong mangyari muli sa iba pang tao. Kaya nararapat lamang umangal ang mga residente ng KOJC compound.

Paglilinaw naman ni Alcanzare, wala silang pinapanigan kundi bumabatay lamang sila sa patas na karapatang pantao.