BOMBO DAGUPAN – Natagpuan ng mga Israeli archeologist ang isang bihirang 2,700-taong-gulang na seal o tatak na bato malapit sa Temple Mount sa Jerusalem.
Ang seal na ito, na nagmula pa sa panahon ng Unang Templo, ay may inskripsiyon sa paleo-Hebrew na naglalaman ng pangalan na “Hoshʼayahu,” na pinaniniwalaang isang mataas na administrador sa Kaharian ng Judah.
Ang seal, na gawa sa itim na bato, ay mayroong larawang ng isang winged demon o “genie,” na nagpapakita ng impluwensiya ng Imperyong Asirya sa Gitnang Silangan noong ika-9 hanggang ika-7 siglo BCE.
Ayon sa mga direktor ng paghuhukay, sina Dr. Yuval Baruch at Navot Rom, ang seal na ito ay isa sa pinakamagandang natagpuan sa mga sinaunang Jerusalem at ginawa sa napakataas na antas ng sining. Ipinapakita ng imahe ng winged man ang kapangyarihan ng Imperyong Asirya at ang autoridad na ibinigay sa may-ari ng seal.
Naniniwala ang mga mananaliksik na ito ay ginawa ng isang lokal na manggagawa mula sa Judah, na inatasan ng may-ari upang likhain ang amulet na ito para sa opisyal na paggamit.