BOMBO DAGUPAN – Pumanaw na ang haring Māori sa New Zealand na si Kiingi Tuheitia Pootatau Te Wherowhero VII sa edad na 69.
Ang Kiingitanga, o Māori king movement, ay inanunsiyo ang balita nito lamang Biyernes ng umaga .
Ayon kay Spokesman Rahui Papa na ang hari ay nasa ospital na nagpapagaling mula sa operasyon sa puso, ilang araw lamang matapos ipagdiwang ang ika-18 anibersaryo ng kanyang koronasyon.
Siya ay ipinanganak noong 1955 at nakoronahan noong 2006 kasunod ng pagkamatay ng kanyang ina na si Te Arikinui Dame Te Atairangikaahu.
Tulad ng kanyang ina, si Haring Tuheitia ay nakita bilang isang mahusay na hari na kamakailan lamang ay nanawagan sa Māori na tumayo nang sama-sama sa harap ng mga polisiyang tuma-target sa kanila.
Ang posisyon ng hari ng Māori ay nagsimula noong 1858, nang magpasya ang Māori na lumikha ng isang unifying figure katulad ng isang European monarch upang subukan at maiwasan ang malawakang pagkawala ng lupain ng mga colonizers ng British New Zealand at upang mapanatili ang kulturang Māori.
Samantala, ang Punong Ministro naman ng New Zealand na si Christopher Luxon ay nagbigay pugay sa hari sa social media, na nagsasabing: “Ang kanyang walang humpay na pangako sa kanyang mga nasasakupan at ang kanyang walang pagod na pagsisikap na itaguyod ang mga halaga at tradisyon ng Kiingitanga ay nag-iwan ng hindi maalis na marka sa kanilang bansa.”