BOMBO DAGUPAN – Hinimok ni Congressman Mark Cojuangco ng Ikalawang Distrito ng Pangaisnan ang mga mamamahayag na ibahin ang naratibo kaugnay sa usapin sa nuclear power plant.
Ayon kay Cojuangco, hindi lamang mga mamamahayag ng probinsiya kundi sa buong bansa dahil nagbago na rin ang pananaw ng media abroad sa pagtanggap sa nuclear energy.
Aniya, tanggap na sa ibang bansa ang kaligtasan sa nuclear power plant kaya napapanahon na para tanggapin ito sa bansa at magkaroon ng planta sa lalawigan.
Dagdag pa nito, pagdating ng araw, kukulangin na tayo sa pinagkukuhanan ng enerhiya na siya namang naramdaman kamakailan kung saan hindi na naaabot ng suplay ng kuryente ang demand ng mga consumers.
Ipinaliwanag pa ni Cojuangco, malaking salik ang nangyaring disaster sa Chernobyl Nuclear Power Plant sa Ukraine noong 1986 at Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant sa Japan sa agam agam ng publiko sa pagpapatayo ng nuclear power plant sa bansa.
Subalit mariin naman nitong pinabulaanan na radiation ang dahilan ng pagkasawi ng mga tao sa naturang lugar.
Samantala, binigyang diin nito na panahon na para magkaroon ng nuclear power plant ang lalawigan ito ay sa kabila ng mahal na bayad ng kuryente na kadalasan ay dahilan kaya’t wala ng pumapasok na investors.
Giit pa nito, kinakailangang manguna na ang lalawigan na magkaroon ng plantang nuclear o buhayin na lamang ang nasa Bataan upang makapagbigay ng sapat na suplay ng kuryente sa bansa.