Dagupan City – Walang anumang nakikitang nangyayaring abuse of authority sa nagpapatuloy na imbistigasyon sa kaso ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst, batay na rin ang basehang ito sa mga napapaulat.
Aniya, ang ginagawa at ipinapakita ng hanay ng kapulisan sa imbistigasyon sa Davao ay malinaw na pagiging handa lamang ng mga ito.
Makikita kasi ang mga kagamitan ng kapulisan na siyang naka-detect ng heartbeat ni Quiboloy matapos na gamitin ang kanilang ground-penetrating radar sa underground bunker na nasa KOJC compound na nagpapakita pa na maraming heartbeats ang na-detect sa bunker na indikasyon na posibleng nasa ilalim ng lupa nagtatago si Quiboloy.
Dagdag pa ni Yusingco, na ang ilang araw ng pamamalagi ng kapulisan sa imbistigasyon sa lugar ay nasa ilalim pa rin ng batas na within reasonable time.
Hinggil naman sa sinabi ng kampo ni Vice President Sara Duterte, nagmimistula lamang aniya itong pamumulitika at ginawang daan ng Duterte para mapakinabangan para sa sariling interes.
Binigyang diin naman ni Yusingco na ang ginagawang pagtatago sa pastor ay hindi nakatutulong sa kaniya bagkus ay mas lalo lamang nandidiin sa kaso nito, sa hinaharap nitong warrant of arrest for serious crimes na siyang inissue ng husgado.