Dagupan City – Mga kabombo! Mistulang eksena sa mga pelikula ang naranasan ng bagong kasal.
Ito’y matapos na itampok ang kwento nina Loaren “Beng” Campaner at Abel Jan Campaner mula sa Pitogo, Zamboanga del Sur.
Ayon sa ulat, nagkakilala noong 2015 sina Beng at Jan sa pinagtatrabahuhang restaurant. Kung saan ay naging magkasintahan ang dalawa noong Abril 2017, at ngayon nang taon ay napagdesisyunan ng dalwa na mag-isang dibdib na.
Gayunpaman, sinubok din agad ang kanilang buhay mag-asawa. Ito’y matapos kasi ng isang araw ng kanilang kasal, hindi na maalala ni Jan ang kaniyang asawa, mga anak, at maging ang nangyaring kasalan.
Ayon sa ulat lumalabas umano na matapos ang kasal, hindi nagkasundo umano si Beng, tiyahin niya, at biyenan niyang babae na naging dahilan kung bakit sinaktan ni Jan ang kaniyang sarili.
Kwento ni Beng, inuntog daw ni Jan ang ulo sa sahig. Maya-maya raw ay nanigas na ito at tumirik ang mata. Agad naman nilang isinugod ang mister sa ospital.
Dito na rin napag-alaman na nagkaroon ito ng Retrograde Amnesia, kung saan ang naturang sakit ay ang kawalan ng kakayahang maalala ang “recent memories” kung kaya’t hindi makilala ni Jan ang kaniyang asawa, mga anak, at ang pangyayari bago mangyari ang traumatic brain injury.
Ngunit matapos rin ang ilang linggong medikasyon at matiyagang pakikipag-usap ni Beng, unti-unti na raw nakakaalala si Jan, kahit na hirap pa rin siyang maalala ang mga pangyayari sa nakalipas na mga buwan. Aniya, kung may isang bagay raw na hindi makalilimutan si Jan, iyon daw ay ang pagmamahal ng kaniyang misis sa kaniya.