Dagupan City – Hinihiling ngayon ang endorsement ng Provincial Government ng Pangasinan kaugnay sa pagpapatayo ng Nuclear Power Plant sa bayan ng Labrador.

Ayon kay Pangasinan 2nd District Representative Mark Cojuangco, malaking bagay kasi ito para masimulan na usapin sa pagpapatayo ng Nuclear Power Plant sa lalawigan.

Aniya, ito ang magiging sagot para magkaroon ng murang kuryente at walang magiging problema sa kawalan ng kuryente.

--Ads--

Ipinaliwanag naman nito ang agam-agam sa pagkakaroon ng fault line sa lugar na pagtatayuan ng planta na may mekanismo para ito ay hindi maapektuhan.

Inihalimbawa nito sa California sa Estados Unidos kung saan matatagpuan ang San Andreas fault na malapit sa nuclear power plant. Nagkaroon ng adjustment sa nuclear plant para kayang kontrolin ang abnormality behavior na maaring maramdaman.
Binigyang diin pa ni Cojuangco, maraming lalawigan na ang nais makakuha rin ng proyekto at huwag ng palampasin ang pagpapatayo ng nuclear plant.

Matatandaan na sumang ayon na ang LGU Labrador at may resulusyon na ang mga ito na pumapabor sa pagpapatayo ng nuclear power plant.

Samantala, suportado naman ni Pangasinan Governor Ramon ‘Monmon’ Guico III ang proyekto basta may recommendation letters mula sa mga eksperto sa pagpapatayo ng nuclear power plant.