BOMBO DAGUPAN- Patuloy ang pagsuporta ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa pagsulong ng Public Utility Vehicle Modernization Program.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marlyn Dela Cruz, Presidente ng grupong Busina, tutulong din si Escudero na kumbinsihin ang 16% na mga tumututol pa sa nasabing programa para maliwanagan ang mga ito.

Aniya, hindi man mapapayag ang mga tumutol, hindi naman ito hadlang upang ipagpatuloy ang pagpapatupad ng programa.

--Ads--

Giit ni Dela Cruz, maganda naman talaga ang hatid ng prgorama dahil maliban sa pagpapabuti ng mga pampublikong sasakyan, papabutihin din nito ang mga drayber.

Nasabi din umano ni Escudero sa kanilang pag uusap kasama ang Magnificent 7 na ipapaabot nito ang problemang umiiral pa sa programa sa Department of Transportation at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Gayunpaman, pumapagitna ang senate president at ayaw nitong may mapag-iwanan sa modernisasyon.

Samantala, wala pa naman plano ang kanilang samahan na magsagawa ng Unity Walk kaugnay sa usaping ito, patuloy pa rin ang kanilang paglaban para sa pagpapatuloy ng prgorama.

Kaya hinihiling nila na maging ganap ng batas ang PUVMP upang wala nang humadlang at tuloy-tuloy na ang kagandahan nito.

Pinabulaanan din niya na ang pagtutuloy nito ay hindi nangangahulugang pagbili ng produktong mula sa China at nasa kanila ang desisyon kung saan at alin manufacturer ang kanilang pagkukuhanan ng modernized jeepneys.

Aniya, may mga local manufacturers na maaaring pagpilian subalit magmumula pa din sa ibang bansa ang makina nito dahil walang producer nito sa Pilipinas.

Sa kabilang dako, hindi naman nila tinututulan ang karapatan ng PISTON na maghain ng petisyon sa programa subalit hinihiling ni Dela Cruz na malinawan na sila.

Giit niya na kung tunay na leader ang mayroon sa PISTON ay mauunawaan nila ang pagpapaganda ng transportasyon.

Naniniwala naman si Dela Cruz na nasa tama ang pagpanig ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa programa at sa panig ng mayorya.