BOMBO DAGUPAN – Pinangunahan ni Vice Mayor Joseres “Bogs” Resuello ang isang pagpupulong at hakbang upang maipasa ang nangyaring malaking sunog sa old public market sa lungsod ng San Carlos, lalawigan ng Pangasinan bilang State of Emergency.

Ito ay para maumpisahan na ang mga dapat na gawin kagaya na lamang ng pag-aasikaso ng pondong gagamitin na naaayon sa batas para sa financial assistance ng mga naapektuhan sa nangyaring sunog kung saan ang mga naapektuhan na may-ari mismo ng stall at ang ibang nangungupahan ay parehong makakatanggap ng financial assistance, maging ang mga ambulant vendors at peddlers ay mahahandugan din ng tulong.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mayor Julier “Ayoy C. Resuello, ay inaalam pa ang tunay na kalagayan ng nasunog na palengke at magpaplano pa sila ng mga hakbang sa lalong madaling panahon. Kaya naman inaasahan niya ang mabilis na pagpasa ng mga reports at imbetigasyon sa nangyaring trahedya. Aniya, hindi lang ito para sa palengke kundi ay para rin sa mga naghahanap-buhay.

--Ads--

Pinasalamatan naman niya ang mga nagvolunteer habang nangyayari ang sunog, kabilang na dito ang mga namigay ng libreng tubig at pagkain, pati na rin ang mga tumulong sa mga pagsalba ng ilang mga paninda.

Pinaalalahanan naman niya ang mga vendors na gagawin nila lahat ang kanilang makakaya para mapabilis ang proseso at upang maibsan o mabawasan na rin ang kanilang pangamba at agam-agam.