BOMBO DAGUPAN- Hindi man airborne ang MPOX subalit nakakahawa pa din ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Via Roderos, representative ng Healthy Philippines Alliance, ang MPOX ay isang uri ng sakit dulot ng virus kaya naililipat ito sa pamamagitan ng close contact.
Kaugnay nito, maaaring mahawaan ang isang tao kung nadapuan ito ng bodily fluids ng infected katulad na lamang ng laway o sa pagbahing.
Hindi naman kailangan na airborne ang transmission nito subalit maaaring ma-inhale sa pamamagitan ng respiratory droplets. Gayundin sa pagdikit nito sa katawan.
Gayunpaman, kapag nagkaroon ng contact ay maghihintay pa ng tatlong araw hanggang dalawang linggo bago makitaan ng sintomas dahil sa incubation period nito.
Kabilang sa mga sintomas na maaaring lumabas ay rushes na nagmumula sa ulo at kamay hanggang sa kumalat ito. Makalipas ang ilang araw ay lalabas ang pag-umbok sa balat at magkakaroon ng tubig sa loob nito.
Saad ni Dr. Roderos, hindi dapat pinuputok ang mga namuong blisters dahil maaaring mainfect lang ang sugat.
Maliban diyan, magkakaroon din ng lagnat at pag-ubo ang mahahawaan ng sakit.
Pareho umano ang mga nasabing sintomas sa mga sakit tulad ng tigdas at measles, ngunit ang kadalasan kinaibahaan ng MPox ay ang pagkakaroon ng solanin lymph nodes o kulani.
Sinabi din ni Dr. Roderos na mayroong dalawang variant ang naturang sakit, ang Clade 1 at Clade 2.
Ang Clade 1 ay ang severe na strain ng MPOX. Ito ay nakita at endemic sa Central Africa.
Habang ang Clade 2 namang variant na nadiskubre noong 2022 kung saan hindi ito gaano kalala ng Clade 1 subalit mas nakakahawa ito. Ito din umano ang nakita sa mga positibong pasyente sa kasalukuyan.
At sa ngayon, nagsasagawa sila ng contact tracing para sa mga pasyente upang malaman ang maaaring nahawaan nito.
Importante aniya ang sanitation sa lugar na pinagmulan nito at i-isolate ang mga apektado.
Samantala, dahil mula sa viral infection ang mpox, kusa naman itong gumagaling lalo na kung hindi immuno-compromised ang isang tao.
Gayunpaman, dapat itong masuportahan ng mga paggamot para masuportahan din ang immune system. Ito kase aniya ang lumalaban sa virus.
Kaugnay nito, dapat ginagamot ang mga lumalabas na sintomas upang maiwasan ang lalong impeksyon.
Kailangan din mapanatili ang maayos na hiegyne. At ang paggagamot sa mga sintomas.
Dagdag pa niya, mas mahihirapan gumaling ang isang tao na may nararamdaman pang ibang sakit.
Nagpaalala naman si Dr. Roderos na global health emergency ang MPOX kaya palaging protektahan ang sarili lalo na sa mga apektadong lugar. Ugaliin aniyang magsuot ng face mask at mapanatili ang kalinisan.
Panatilihin din ang pagkain ng malulusog na pagkain.