DAGUPAN CITY- Ikinadismaya ni Councilor JM Crisostomo ang pagbawas ng mga staff ng bise alkalde ng bayan ng Lingayen sa limang libong tulong pinansyal na natanggap ng mga benepisyaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon sakaniya, nakatanggap sila ng reklamo mula sa mga benepisyaryo kung saan binabawasan ng mga staff ang P4,000 ang P5,000 tulong pinansyal na kanilang natanggap noong Agosto 12-13.

Aniya, ikinagulat ng mga ito nang padalhan sila ng mensahe na ibalik nila ang P4,000 dahil P1,000 lamang umano ang kanilang matatanggap.

--Ads--

Hindi naman bababa sa 5 mga nagrereklamo ang lumapit sakanila Councilor Crisostomo kung saan nasa higit 40 beneficiaries ang nakatanggap ng nasabing tulong pinansyal noong nakaraang linggo.

Itinaas naman nila ito sa pagding sa Sangguniang Bayan subalit hindi aniya sila pinagbigyan na magsalita kaugnay sa issue.

Sinabi lamang na “unparliamentary” ang kanilang itinataas, subalit idinidiin ng konsehal na parte ito ng procedure na maaaring ipasok sa “unassigned business”.

Kaugnay nito, karamihan din aniya ang nais pakinggan ang nasabing issue.

Giit ni Councilor Crisostomo na pinagtatakpan lamang ng mga ito ang katiwalian kaya pinutol na ang session at pinalabas ang mga tao.

Sinabi pa niya na mula ito sa mga tax payers at hindi dapat binubulsa ng mga opisyal.

Samantala, hindi lamang aniya ito ang unang beses na may nangyari na kinauugnayan ng opisina ng bise alkalde.

Naging emosyonal naman ang konsehal dahil nais aniyang mapatunayan na mayroon pa din malinis sa gobyerno at tapat sa kanilang serbisyo para sa bayan.

Nilinaw din niya na hindi niya ito ginagawa dahil sa nalalapit na eleksyon kundi dahil mayroon itong responsibilidad sa taong bayan.