Dagupan City – Itinutulak na ngayon sa Kamara ang pagkakaloob ng agricultural pension sa mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
Sa ilalim ng inihain ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na House Bill No. 10740, iginiit na sa kabila ng napakahalagang bahagi ng mga magsasaka at mangingisda sa ekonomiya at buhay ng sambayanan, nananatiling isa sila sa mga pinakamahirap na sektor sa Pilipinas.
Dagdag pa nito, mahalaga ito sa mga magsasaka at mangingisda upang masiguro ang seguridad sa pagkain sa bansa at mapasigla ang kabuhayan.
Layunin nito na sa pagtanda ng mga nasa sektor ng agrikultura ay may regular silang matatanggap na pensiyon para sila ay may pantustos sa kanilang mga pangangailangan, tulad ng mga gamot.
Binigyang diin naman nito na ang pagbibigay pensiyon sa mga magsasaka at mangingisda ay makapanghihikayat sa mga kabataan na ikonsidera ang sektor ng agrikultura bilang paraan ng regular na pagkakakitaan at kanilang ikabubuhay.
Nilinaw naman nito na ang pagbibigay pensiyon sa mga magsasaka at mangingisda ay napakahalagang pagkilala sa kanilang ambag sa pang-araw-araw na buhay ng kanilang mga kapwa Pilipino.