Dagupan City – Tinawag ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang ilang mga pulitiko na mga oportunista matapos na magbago ng posisyon sa “drug war” ang noo’y Duterte administration.
Ayon kay Dela Rosa, nalulungkot ito sa nangyayari ngayon na mistulang nagiging kritiko ng “drug war” ang mga kongresista gayong noong panahon ng dating Pangulo na si Rodrigo Duterte ay puring-puri at pinagpapasalamat pa ito dahil nabawasan ang krimen at napanatili ang peace and order sa bansa.
Aniya, bakit ganoon na lamang pala kabilis na magbago ang pagtingin ng isang tao o baka ay depende ito sa kung sino ang nakaupo sa gobyerno kung kaya’t kontrabida na ang tingin sa kanila.
Pakiramdam daw nito ay parang pinagtaksilan siya, dahil ilang taon siyang nagserbisyo at sinugal pa niya ang kanyang buhay sa bansa, gaya na lamang ng ilang mga tauhan sa hanay ng kapulisan noon na nag-alay ng buhay. Ngunuit katanungan ngayon aniya na tila sila na ang lumalabas na masama.
Samantala, binigyang diin naman nito na marami pa ring kongresista sa Kamara ang nananahimik lang at ayaw lang i-antagonize o gawing masama ang lideratong kinabibilangan nila.