BOMBO DAGUPAN – “We deserve better.”
Yan ang binigyang diin ni Nice S. Coronacion SENTRO Deputy Secretary General kaugnay sa inilabas na datos ng National Economic and Development Authority (NEDA) na hindi maituturing na hikahos ang isang tao/pamilya kung mayroong P64 na budget para sa pagkain sa isang araw.
Aniya na hindi ito makatotohanan at hindi katanggap tanggap bagama’t ang mga paraan para maluto ang kinakain ay hindi naman saklaw nito. Gaya na lamang ng gas, tubig, mantika at iba pa.
Dahil kung tutuusin kalahating kilo pa lamang ng bigas aniya ay umaabot na sa P25 ang pinakamababang presyo paano pa kaya kung marami ang miyembro ng isang pamilya.
Dagdag pa niya na sa P21 per meal ay ano na lamang klaseng pagkain ang kakainin ng isang tao sa kakarampot lamang na halaga.
Kaugnay nito aniya ay mainam na lamang na ang matagal nang panawagan na recovery wage ay i-certify as urgent upang lumago ang buhay ng bawat manggagawang pilipino at hindi lamang pinagkakasya ang P64 kung ang dapat kakainin ay mga masusustansiyang pagkain.
Mahalaga din aniya na gawing regular ang mga kontraktuwal na empleyado upang maramdaman din ng mga ordinaryong mamamayan ang paglago ng ating ekonomiya at hindi lamang ang mga negosyante o mga kapitalista.
Samantala, nananawagan naman ito na sana ay maaprubahan na ang P150 na umento sa sahod upang maramdaman naman ng mga manggagawa ang konting ginhawa.