Dagupan City – Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na bilyon-bilyong piso ang nawawala sa pamahalaan dahil sa mga sindikatong may kinalaman sa oil pilferage at oil smuggling.
Matatandaan na una niyang nabanggit ang issue sa smuggling o pilferage ng langis o “paihi” kasunod ng magkasunod na paglubog ng motor tankers sa mga katubigan ng Bataan noong nakaraang buwan.
Nito lamang hulyo 25, ang MKTR Terranova ay lumubog 3.6 nautical miles east ng Lamao Point sa Limay, Bataan, kung saan isang crew member ang iniulat na nasawi.
Habang, ang MTKR Jason Bradley — isa pang barko na lumubog sa Mariveles, Bataan noong Hulyo 27 — ay may kargang 5,500 litro ng diesel, at natuklasan ding may tagas.
At ang ikatlong barko, ang MV Mirola 1, ay sumadsad naman sa Mariveles, at tumagas ang karga nitong langis.
Dahil dito, sinabi ni Remulla na ang insidente ay nagbukas ng isa pang “pandora’s box” sa bansa na “tahimik na pinapayagan sa mahabang panahon.”
Nauna nang pinabulaanan ng may-ari ng MTKR Terranova ang mga alegasyon na may kinalaman ito sa oil smuggling.