BOMBO DAGUPAN – Bumisita ang Commission on Filipino Overseas sa lalawigan ng Pangasinan partikular sa lungsod ng San Carlos upang maiparating ang kanilang layunin na maipakilala ang kanilang tanggapan sa mga tao at magbigay ng kaalaman tungkol sa usapin ng human trafficking.
Pinangunahan ito ni Secretary Romulo V. Arugay, kasama si Ms. Janet B. Ramos ang Supervising Emigrant Service Officer at ni Mr. Eumarlo M. Tolosa ang Senior Emigrant Services Officer.
Kung saan nasa 4 na araw silang magbibigay ng mga lecture sa lalawigan at inaasahang dadakuan din nila ang Urdaneta City PNP at ilang mga unibersidad dito gaya ng San Carlos College at Pangasinan State University.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Secretary Romulo V. Arugay aniya na layunin nila sa pagpunta sa lalawigan ay upang maipamahagi ang mga programa ng bagong administrasyon hinggil sa pagtulong sa karapatan at kapakanan ng mga Pilipino sa ibang bansa.
Bukod pa dito ay ipinagmamalaki din niya na bumaba ang kaso ng human trafficking na kanilang naitatala sa kanilang tanggapan sa pagpasok ng Administrasyong Marcos gayundin sa Pangasinan na nabigyan na ng solusyon ang ilang kaso sa kanyang pamumuno.