BOMBO DAGUPAN- Nakaalerto ang mga meat inspectors upang tignan ang kalagayan ng mga karne sa mga slaughterhouse at palengke bilang pagbabantay sa African Swine Fever.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Orlando Ongsotto, Director II ng National Meat Inspection Service Region 1, mahigpit na binabantayan ng mga otoridad ang mga kahina-hinalang mga karne na wala kaukulang dokumento at inspection certificate.

Babantayan naman ng National Meat Inspection Service at LGUs ang Border at quarantine checkpoints para masigurado ang ligal na pagpasok ng mga karne.

--Ads--

Kaugnay nito, nagpaalala si Ongsotto na hindi madaling mapeke ang kanilang dokumento tulad ng meat inspection certificate at madali lamang nilang matukoy ang pekeng papeles.

Sinabi din niya na maaaring magbayad ng umaabot sa P200,000 ang mga mahuhuling nagbebenta ng karneng may sakit. At para sa may pekeng dokumento, maaari naman maharap sa administratibong kaso.

Gayunpaman, wala pa silang nakikitaang nagbebenta ng ipinagbabawal na karne sa pamilihan.

Samantala, pinaalala din ni Ongsotto na ireport na lamang sakanila agad kung nakitaan ng sakit ang alagang baboy upang mapigilan ang pagkalat nito.

Mas maiging kontrolin at ilibing na ito kaysa ibenta pa sa merkado. Dapat din pahigpitan pa lalo ang bio-security sa pamamagitan ng mga disinfectant at pagbawas ng paglabas pasok ng mga tao sa loob ng farm.

Dagdag pa niya, panatiliin din ang pagbebenta ng preskong karne.

Magbibigay naman aniya ng tulong ang gobyerno sa mga apektado.