Dagupan City – Malaking bahagi ang pagkakaroon ng awareness o kamalayan sa isang indibidwal patungkol sa sakit na Dengue upang mapababa ang kaso nito sa lalawigan ng Pangasinan.
Matatandaan kasi na tumataas ang kaso ng Dengue sa Pangasinan na siyang tinututukan ngayon ng Provincial Health Office lalo na ngayong tag-ulan kung saan umabot na sa higit 1500 mga indibidwal ang naitatala dito habang mayroon na ding nasawi.
Ayon kay Dr. Jeremy Agerico Rosario ang alkalde sa bayan ng Manaoag, inaasahan na ang pagtaas ng kaso ng Dengue lalo na ngayong tag-ulan ngunit kahit pa hindi maulan ay mayroon paring pasulpot-sulpot na kaso.
Aniya na, bilang isang doctor by profession at dati umanong katuwang ng Provincial Health Office ay nagpaalala ito na dapat ang unang kailangan tandaan ng mga tao ay ang pagkakaroon ng awareness sa sakit na ito.
Pangalawa ay ang pagkakaroon ng edukasyon na dapat matutunan nila sa pag-iwas, lalo na sa mga pagtatanggal o paglilinis sa pinamumugaran ng mga lamok na maaring may dala ng sakit na ito.
Pangatlo naman ay ang maagang pagpapakonsulta sa doktor kapag nagkaroon na ng sintomas, dahil malaking factor umano ang oras sa nasabing sakit upang hindi na lumala at mauwi sa pagkasawi.
Samantala, masusugpo umano ang pagtaas ng kaso nito kung handa ang bawat indibidwal at malaman ang mga dapat gawain para hindi na lumala pa ang sakit na ito sa Pangasinan.