BOMBO DAGUPAN- Ikinababahala ngayon sa Japan ang posibleng pagyanig ng ‘megaquake’ dulot ng dalawang naitalang pagyanig kamakailan lamang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent ng Japan, naapektuhan nito ang Nankai Trough kung saan mayroon na din itong kasaysayan sa naturang bansa kaugnay sa malakas na pagyanig na naging sanhi ng malaking kaswalidad.
Gayunpaman, walang masyadong naitalang nagpanic nang maglabas ng pag abiso ang mga eksperto at otoridad patungkol sa maaaring malakas na pagyanig.
Ito aniya ang kauna-unahang pag abiso dahil hindi na rin gusto ng mga otoridad na maulit din ang malaking bilang ng pinsala at kaswalidad noong 2011 kung saan kasunod ng paglindol ang tsunami.
Ito rin ang nag udyok sa mga mamamayan na paghandaan ito kabilang na ang pagpapaskil ng mga mapa kung sakaling mangyari ito.
Katulad na rin sa mga nakasanayan sa mga paaralan, inihahanda din aniya ang mga bata at kabataan sa mga kalamidad.
Sinabi rin ni Galvez, na may mga pinsala man mula sa mga pagyanig kamakailan partikular noong nakaraang gabi subalit wala naman naitalang kaswalidad at 16 lamang ang sugatan.
Samantala, pinabulaanan naman ni Galvez ang mga kumakalat sa social media na pag-panic buying sa Japan dahil sa paglindol.
Aniya, hindi katangian ng mga Japanese magpanic buying at maaaring mga dayuhan sa Japan ang gumagawa nito.
Kaugnay nito, malaki ang tiwala ng mga Japanese sa kanilang gobyerno kaugnay sa pag-aksyon sa naturang kalamidad.
Disiplinado rin ang mga ito sa pamimili at hindi nakikipag unahan.