BOMBO DAGUPAN – Nagpatupad ng ordinansang nagbabawal sa paggamit ng plastic bags at styrofoams sa lahat ng pamilihan ang bayan ng Calasiao.

Ito ay nasa ilalim ng Ordinance No.9, Series of 2023 at base sa Article II, Section 16 ng Philippine Constitution na tungkol sa ekolohiya at kalikasan.

Dahil dito hinihikayat na makiisa sa ordinansa ang lahat ng nasasakupan sa nasabing bayan at mamimili, mga business owners o vendors at business sectors.

--Ads--

Layunin ng ordinansang ito na maiwasan ang pagtapon sa mga plastic bags pagkatapos gamitin ng isang beses lamang, hindi paggamit o kahit mabawasan man lang ang paggamit ng plastic bags, hikayatin ang lahat sa paggamit ng reusable bags, at ipatupad ang partisipasyon ng lahat para sa malinis at ligtas na kapaligiran.

Kaugnay nito ay may karampatang multa ang sino mang lalabag na mga business owners o vendors at business sectors o establishments gaya ng mga sumusunod: 1,500 pesos para sa 1st offense, 2,000 pesos sa 2nd offense at 2,500 pesos sa 3rd offense na maaari ring hindi na ma-renew ang kanilang business permit.

Habang para naman sa mga mamimili, may karampatang multa din tulad ng 500 pesos o 3 araw na community service para sa 1st offense, 1,000 pesos o 5 araw na community service para sa 2nd offense, at 2,000 pesos o 10 araw na community service para sa 3rd offense.