Dagupan City – Nasa 111 packs ang naging kabuuang bilang ng Floating Shabu na narekober sa coastal Areas dito sa Rehiyon Uno ayon sa Police Regional Office 1.

Base umano ito sa covered period noong Hunyo hanggang sa unang linggo ng buwan ng Agosto ngayong taon na may standard drug price na 751 million pesos.

Ayon kay PBGEN. Lou F. Evangelista, Regional Director ng nasabing opisina na ito ang kanilang kabuuang bilang na narecover kung saan natagpuan ng ilang mga mangingisda na palutang-lutang ang mga hinihinalang shabu sa dagat o sa dalampasigan sa ilang lalawigan ng Rehiyon.

--Ads--

Aniya na nasa 94 packs na ang nasunog sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 1 at ilang mga law enforcement agency witness sa isang crematorium habang nasa 17 packs pa dito ang hindi pa nasusunog na nasa pangangalaga ng PDEA at sa Forensic Unit ng Police Regional Office 1 para sa pagsusuri at tamang disposisyon nito.

Dagdag nito na wala umano silang mahanap kung sino ang kakasuhan dito dahil hindi na nila maabot ang High Seas katuwang ang Coast Guard at Maritime Police dahil hinihinalang galing ang mga Shabu sa Shan Myanmar.

Kaugnay nito na base umano sa assessment ng PDEA na may nahuling 2 tons ng Shabu sa Myanmar na kahalintulad ng packaging at markings ng mga nakita sa mga baybayin sa Rehiyon Kaya sinabing galing sa Myanmar ang mga ito.

Hindi pa nababanggit kung sinong grupo o indibidwal ang responsable dito sa Floating Shabu.

Sa kabilang banda, nagbigay umano ng 50 thousand pesos ang Provincial Government ng Ilocos Sur sa mga indibidwal na nakarecover nito habang 5 thousand pesos per packs naman ang ibinigay na pabuya ng PDEA upang masigurong hindi na magamit ang mga ito sa masamang gawain.

Dahil dito patuloy naman ang koordinasyon nila sa mga mangingisda sa mga baybayin dito na kung may makita pa sila na mga ganitong bagay ay agad ipagbigay alam sa kinauukulan upang hindi magamit o magcirculate ito sa merkado.

Samantala, hindi lang naman umano dito sa Rehiyon ang may mga narerekober na Floating Shabu dahil mayroon na din sa Region 2 na hinihinalang naitanggay ng alon noong nagdaang bagyo at pagtaas ng tubig.