DAGUPAN CITY- Nagbunga umano ang pagod at hirap ng mga nagkaisang bumuo ng Hundred Islands Film Festival nang magkaroon ng proposal ng ordinansa sa lungsod ng Alaminos para gawing institusyon ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Raquel Rarang Rivera, guro ng Alaminos City National High School, ito ay nagpapakita ng matatag na medium upang palakasin pa ang sining sa syudad partikular na sa film making at makatulong sa mga kabataan na maipakita ang kanilang kwento sa pamamagitan ng pagbuo ng pelikula.
At dahil dito, inaasahan pa nila ang pagdami ng suporta para sa Hundred Islands Film Festival kabilang na ang mga mag-sponsor sa programa.
Ayon kay Rivera, taong 2021 nang mabuo ang naturang Film Festival matapos ipatawag sila ni Alamninos Mayor Arth Bryan Celeste dahil sa kanilang napanalunang Best Documentary Film. Ito umano ang naging daan din sa alkalde upang maglunsad ng programa na makakatulong sa mga kabataan partikular na sa may hilig magpelikula.
Nagsimula ito ng virtual dahil sa pandemya at naging pisikal na noong 2022.
Ito ay nagbukas ng oportunidad upang ipakita ang kagalingan ng mga kabataan sa lalawigan sa buong bansa pagdating sa film making.
Maliban sa Film Competitions, nagkaroon din ng pagkakataon ng 11-days training mula sa mga kilalang film makers kung saan bukas ito sa lahat ng tubong Alaminos.
Gayunpaman, bukas naman para sa lahat ang nasabing Film Competitions.
Ani Rivera, sa pamamagitan ng festival, nakikita nilang mas malaki ang naitutulong nito sa mga kabataan para magkaroon ng kakaibang karanasan sa industriya ng pagpepelikula.
Kaugnay nito, hindi lamang ito nagtatapos sa taunang pagdaraos kundi nagkakaroon ng buwan-buwan na aktibidad kabilang na ang pagsali sa mga kompetisyon. At sa pamamagitan nito, hindi mawawala ang pagmamahal ng mga kabataan sa pagpepelikula.