BOMBO DAGUPAN- Ikinalungkot at ikinadismaya ng nasa 80% na nakapagconsolidate sa Public Utility Vehicle Modernization Program ang pagpigil ngayon ng senado sa pagpapatupad ng programa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marlyn Dela Cruz, Presidente ng Busina, hindi aniya naging patas ang senado sa isinagawang pagdinig dahil hindi aniya sila pinakikinggan kahit anong gawin nilang pagkuha ng atensyon ng mga senador. At tanging mga pasaway lamang umano ang pinapakinggan ng mga ito.
Giit niya na ang nasabing programa ay mismong proyekto ng gobyerno ngunit sila din ang sumisira nito. Dahil aniya sa pamumulitika ay matitigil ang kagandahan ng programa.
Sinabi din niya na hindi umano iniisip ng mga senador ang epekto ng hindi pagmomodernisa ng mga sasakyan sa lumalalang polusyon na nararanasan ng bansa.
Nabalewala lamang aniya ang kanilang effort sa pagsunod sa programa simula pa noong 2018. At pakiramdam na lamang nila na bigla silang iniwan ng senado.
Kaya para kay Dela Cruz, hindi nila maintindihan kung nais ba talaga ng senado ang pagbabago o magbalik na lamang sa makaluma.
Dahil dito, makikiisa ang kanilang samahan sa isasagawang Unity Walk sa lunes kasama ang ilang samahan na tutol din sa naging desisyon ng senado.
Suportado naman aniya ito ng Land Transportation and Regulatory Board at ng Department of Transportation.
Naniniwala din sila na suportado din sila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. lalo na sa programang modernization.