Dagupan City – Dumating na sa bansa ang higit 101,000 metric tons (MT) ng imported rice hanggang noong July 25.

Ito ang kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) kung saan ang naturang volume ay dumating kasunod ng pagpapatupad ng Executive Order No. 62, na nagbababa sa taripa sa imported rice mula 35 sa 15 percent noong nakaraang buwan at inaasahang magbababa sa retail price ng bigas ng P6 hanggangP7 kada kilo.

Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa sa isang ambush interview, tinukoy nito ang import data ng Bureau of Plant Industry na sa pagdating ng nasabing mga bigas ay lalong tumatag ang suplay ng staple ng bansa, kasama ang local palay production sa dry harvest season.

--Ads--

Ayon naman sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang Pilipinas ay may mahigit 8.53 million MT para sa first semester ng taon.

Kung saan ay nanuna nang binanggit ni De Mesa na ang malakas na pagbili ng National Food Authority (NFA) para sa national rice buffer stock ng bansa ay nakakuha ito ng 3.5 million bags ng palay noong dry harvest season.

Sa kasalukuyan, ang rice sector ay nagtamo ng 10,639 MT ng volume loss na nagkakahalaga ng P635.17 million, na pasok sa 500,000 MT hanggang 600,000 MT annual projected losses dahil sa natural calamities.