Dagupan City – Malugod umanong tinanngap ng AUTOPRO Pangasinan ang balitang suspensyon ng PUV Modernization Program sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa Presidente ng samahan na si Bernard Tuliao, itinuring nila aniya itong isang magandang balita.
Karamihan din kasi aniya sa mga consolidated jeepneys ay mga traditional jeepney pa rin ang kani-kanilang ginagamit.
Dagdag pa umnao ang malaking presyo ng isang modernized jeepney na mga operators din lang ang magbabayad.
Bagama’t nauna nang nilina ng Department of Transportation (DOTr) na hindi solong babayaran ng mga indibidwal na jeepney drivers ang monthly amortization ng mga modernong jeepneys sa sandaling makuha na ang mga ito ng kanilang kinabibilangang kooperatiba o korporasyon.
Ngunit ayon kay Tuliao malaking inda ito ng mga kooperatiba.
Binigyang diin nito na sana ay may gawing resolution ang senado kung saan ay mabibigyang boses ang kanilang sektor at masabi nila ang kanilang mga hinaing partikular na sa mga nangyayaring adjustment sa mga pulisiya.
Matatandaan na nagsumite ng resolusyon si Senator Idol Raffy Tulfo kasama ang kanyang mga kapwa senador noong Hulyo 30 upang pansamantalang suspindihin ang pagpapatupad ng Public Transport Modernization Program (PTMP), na dating kilala bilang PUV Modernization Program.
Kung saan kabilang naman sa mga nag-akda ng Senate Resolution (SR) No. 1096 ay sina Senate President Francis Escudero, Majority Leader Francis Tolentino, Minority Leader Koko Pimentel, Pro Tempore Jinggoy Estrada; at Senators Nancy Binay, Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Bato Dela Rosa, Loren Legarda, Imee Marcos, Robinhood Padilla, Grace Poe, Bong Revilla, Joel Villanueva, Cynthia Villar, Mark Villar and Migz Zubiri.
Samantala, maganda rin aniya ang naging pagbukas ng klase sa bansa, dahil malaki ang dagdag nito sa kinikita ng mga operators kada araw.