BOMBO DAGUPAN – Pumukaw ng atensyon sa mga netizen ang pagkawala ng wedding ring ng Italian Olympic high jumper na si Gianmarco Tamberi sa opening ceremony ng Paris Olympics 2024.

Ginanap ang opening ceremony sa pamamagitan ng parada ng mga atleta, sakay ng mgas banca sa Seine River noong July 26, 2024.

Kinabukasan, ay isang mahabang post ang inilabas ng atleta para ipaalam sa misis at sa buong mundo na nawala ang kanyang wedding ring na nahulog ito sa nasabing ilog.

--Ads--

Ang 32 anyos na si Gianmarco, ay dalawang taon nang kasal sa asawa niyang si Chiara Bontempi Tamberi, 29 anyos.

Nakapukaw ng atensiyon ng netizens ang post ni Gianmarco kung saan sa wikang Italian, humingi siya ng paumanhin sa kanyang asawa.

Pag-amin ni Gianmarco, nasaksihan niya mismo ang pagkalaglag ng singsing mula sa kanyang daliri.

Noong una ay nalaglag ito sa bangka, ngunit tumalbog hanggang sa nahulog sa tubig.

Sa kabila ng masaklap na pangyayari ay marami naman ang naaliw sa kanyang kuwento.

Hinangaan din ang positibong pananaw ni Gianmarco sa kabila ng pangyayari.