BOMBO DAGUPAN – May mga bagay na mahirap gawin lalo na kapag nasa abroad o malayong lugar gaya na lamang ng pagbabayad ng buwis, pag-asikaso ng mga ari-arian at iba pa.
Ayon kay Atty. Joey Tamayo, Resource Person Duralex Sedlex na dito na pumapasok ang kahalagahan ng special power of attorney.
Aniya na ito ay isang dokumento na nagpapakita na may contract of agency kung saan ang isang tao o agent ay maaring utusan na gawin ang mga bagay-bagay na nakalagay sa kontrata.
May dalawang uri ng special power of attorney ang general power at special power kung saan sa general power ay binibigyan lamang ng kapangyarihan ang management samantala ang special power naman ay binibigyang kapangyarihan ng may-ari ng isang ari-arian ang isang tao o agent.
Pagbabahagi ni Atty.Tamayo na mahalaga ito lalo na sa mga nasa ibang bansa lalo na kung may mga kailangang gawin sa Pilipinas gaya ng pagbabayad ng kuryente, pagbabayad ng tax, pagpirma ng kontrata at iba pa.
Kahit sino ay maaaring utusan sa pamamagitan nito upang maging agent o representative ng isang tao subalit mainam na tiyakin muna kung mapagkakatiwalaan ang mga ito.
Dagdag pa ni Atty. Tamayo na mainam na pag-isipan din ang mga nais gawin bago pumunta sa ibang bansa upang hindi na maabala pa at madistorbo sa pagtatrabaho.