BOMBO DAGUPAN- Matapos ang pagbagsak presyo ng mga itlog noong nakaraang tag-init, pinapangambahan naman ang muling pagtaas nito lalo na sa pagpasok ng ‘ber’ months.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Francis Uyehara, Presidente ng Philippine Egg Board Association, nagsimula na ang pagtaas ng presyo nito noong nakaraanf buwan ng Hunyo pa.
Kapansin-pansin man ang pagdemand ng itlog noong nakaraang buwan ay hindi pa rin nawawala ang epekto ng nakaraang pagbabawas ng alagang manok ng mga producer.
At aniya, ang pagtataas ng presyo ngayon ay ang pagbabawi lamang sa naging pagbagsak presyo ng itlog sa merkado.
Gayunpaman, mag mimistula aniya itong ‘diesel price’ dahil naging madami din ang populasyon ng mga manok na ibinawas noong tag-init. Hindi din kase aniya magiging madali na maibalik sa dating operasyon ang mga poultry farms.
Karagdagan pa sa paghabol ng suplay ay ang banta ng panahon sa susunod pang buwan, gayundin sa maaari pang mortalidad dahil sa pagpasok ng ibang sakit sa mga manok.
Magiging pahirap din sa mga producers ang pagtaas ng toxins level sa mga raw materials o mga patuka dahil sa maaari nitong maidulot sa digestive system ng mga manok.
Samantala, inaasahan naman ang pagtaas ng demand ng itlog ngayong pagpasok ng bagong school year.
Itlog din kase aniya ang isa sa mga madaling maluto na pagkain para sa mga estudyante na papasok nang maaga.
Maliban diyan, pinaghahandaan din ang pagdagdag ng suplay ng itlog sa darating na ‘ber’ months, lalo na sa holiday seasons.
Inaasahan naman ni Uyehara na matatalakay sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtulong ng gobyerno sa industriya ng pangingitlog, gayundin sa ibang sektor ng pagkain.