BOMBO DAGUPAN – Naaresto ang 3-high value target individuals sa ikinasang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa bayan ng Mangaldan.
Ayon kay Rechie Camacho Provincial Officer, PDEA Pangasinan, umabot ng ilang buwan ang nasabing operasyon dahil nagkaroon din ng malalimang imbestigasyon ukol dito.
Aniya na ang main target na nangupahan sa bayan ng Mangaldan ay ilang buwan ng minamanmanan sa syudad ng Dagupan habang ang dalawa pa nitong mga kasama ay tubong Calasiao at Bayambang.
Lumalabas sa imbestigasyon na magkakasabwat ang tatlong mga suspek at nahulian sila ng 65 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halos kahalating milyong piso.
Sa isinagawang drug tests ay parehong nagpositibo ang mga ito at sa kasalukuyan ay nasa regional office habang inaayos pa ang mga kasong isasampa sa kanila.
Samantala, sa kasalukuyan, umaabot na sa 1,184 ang kabuuang drug-cleared barangays sa lalawigan ng Pangasinan at may nalalabing 88 drug-affected barangays na lamang.
Patuloy naman ang ginagawang monitoring para tuluyan ng matigil ang paglala ng ilegal na droga sa lalawigan.