BOMBO RADYO DAGUPAN — Ramdam na ramdam na ang diwa ng 2024 Paris Olympics.

Ito ang ibinahagi ni Bombo International News Correspondent Leo Brisenio sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan.

Aniya na kasabay ng papalapit na pinakamalaking sporting event sa daigdig ay siya ring pag-lockdown ng central Paris, lalo na ang mga lugar at kakalsadahan malapit sa paggaganapan ng mga laro.

--Ads--

Marami na rin aniya ang ipinakalat na pwersa ng kapulisan upang magtiyak ng kaligtasan ng mga atleta, delegado, mga turista, at gayon na rin ang mga manonood ng iba’t ibang mga laro sa Olympics.

Saad nito na nagtalaga na rin ang gobyerno ng France ng road rerouting upang hindi maantala ang daloy ng trapiko at gayon na rin ang transport services.

Dagdag pa nito na marami na ang mga dumating na atleta at mga koponan sa bansa para sa pageensayo at paghahanda na rin sa iba’t ibang mga larangan ng palakasan na kanilang sasalihan.

Aniya na pagdating naman sa mga venue ay 97% fully set na ang mga ito at kaunting preparasyon na lamang ang kanilang tinatapos, gaya na lamang ng pagsasabit ng mga poster para sa Olympics.

Ani Brisenio na isa sa pinakamalaking venue na paggaganapan ng ilang sporting event gaya na lamang ng Track and Field, Football, at iba pa ay ang Stade de France sa may Saint-Denis.

Pagdidiin pa nito na napakahalaga para sa France ang pagsasagawa ng 2024 Olympics sa Paris lalo na’t noon pang 1924 nang huling mag-host ang bansa ng Olympics.