BOMBO DAGUPAN – Nananatiling buo ang suporta ng election supervisor sa lalawigan ng Pangasinan kay Commission on Elections (Comelec) Chair George Garcia sa gitna ng mga ibinabatong aligasyon sa kanya.

Ayon kay Atty. Marino Salas, Provincial Election Supervisor ng Comelec Pangasinan, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, nakita niya ang didikasyon, debosyon at kasipagan para gawing kapani kapaniwala at katanggap tanggap ang proseso ng halalan sa bansa.

Kaya naman nasasaktan umano silang lahat dahil hindi nakikita ang pagsusumikap ng kanilang tanggapan para maging maayos ang darating na halalan.

--Ads--

Aminado siya na bagamat apektado sila sa paninirang puri na ito o pag atake sa comelec ngunit ito ay hindi sapat para huminto sila sa ginagawang paghahanda sa halalan sa 2025.

Sumang ayon naman siya sa hamon ni Garcia na magbigay sila ng pruweba o ibidensya na katanggap tanggap sa korte para patunayan ang kanilang aligasyon.

Matatandaan na naghain ng petisyon sa Korte Suprema si dating Caloocan 2nd District representative Edgar Erice para patawan ng contempt si Garcia matapos nitong sabihin na kapag ibinasura ng SC ang automated election system laban sa MIRU System ay mababalik na sa manu-mano ang halalan.

Samantala, sa ngayon ay tuloy tuloy pa rin ang isinagawang registration.

Nanawagan si Salas sa mga botante na huwag ng hintayin ang huling araw ng registration upang magkaroon ng mahabang oras para sila ay mavalidate.