BOMBO DAGUPAN – Tumaas ang numero ng mga nagdodonate ng dugo, gayundin ang koleksiyon subalit tumaas din ang bilang ng mga nangangailangan.
Ayon kay Rex Vincent C. Escaño OIC, Office of the Chapter Administrator PRC Pangasinan Chapter na ngayon buwan mas nangangailangan ng donors at dugo ang ating mga kababayan.
Kaugnay nito ay ipinagdiriwang ngayong Hulyo ang National Blood Donors Month alinsunod sa Proclamation No. 1021.
Aniya ang pagdodonate ng dugo ay parang pagbibigay ng buhay o pagbibigay ng karampatang lunas sa mga may iniindang karamdaman gaya na lamang ng mga may dengue, nagpapadialysis, mga katatapos manganak at iba pa na nangangailangang masalinan ng dugo.
Ibinahagi din nito na sa kabuuan ay may 18,000 blood units na silang koleskiyon tumaas kumpara noong nakaraang buwan na 11,000 blood units lamang.
Isa sa malaking salik ang dumaraming partners sa mga pribado man o pampublikong organisasyon na nagsasagawa ng mga bloodletting activities.
Bagamat ay tumataas naman ang bilang ng mga nangangailangan ng dugo sa lalawigan ay hindi nagiging sapat ang kanilang suplay kaya’t ang mga ibang pasyente ay isinasangguni sa mga karatig probinsya.
Samantala, para naman sa mga nais magdonate ng dugo aniya ay dapat may sapat na oras ng tulog, kumain ng mga masusustansiyang pagkain at iba pa bago maisagawa ang pagdodonate.
Nagpapasalamat naman ito sa mga walang sawang nagdodonate ng dugo at inaanyayahan ang mga nais magdonate na magtungo lamang sa kanilang opisina.