BOMBO DAGUPAN- Parang suntok sa buwan ang pagsulong ng mga petisyon na magpasa ng anti-dynasty bill.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, Constitutional Lawyer, para lamang itong publicity stunt dahil ang pagpasa ng batas ang trabaho ng kongreso habang iniintepret naman ng Supreme Court ang batas.
Kaya aniya, malaking katanungan kung paano pipilitin ng Korte Suprema ang Kongreso na magpasa ng batas kaugnay sa anti-dynasty law.
Nakasaad sa konstitusyon ng bansa, na sa ilalim ng ‘Declaration of State and Policies’ ay wala dapat umiiral na Political dynasty. Subalit, ayon naman sa mga framer ng konstitusyon, dapat mayroong batas na naglilimita lamang sa isang pamilya sa kanilang pagpasok sa politika.
Katulad umano ito sa SK law, kung saan mayroon din itong probisyon na nagbabawal sa pamilya ng incumbent na opisyal na tumakbo din sa posisyon ng barangay.
Gayunpaman, walang batas na tuluyang pumipigil sa isang miyembro na tumakbo din sa politika.
Kaya idiniin ni Atty. Cera na hanggang sa ngayon ay wala pang totoong anti-political dynasty.
Ito ay marahil sa sistema ng eleksyon at sa pagiging demokratiko nito.
Samantala, kinakailangan umano ng mga botante ang voter’s education upang maturuan ang mga ito sa matalinong pagboto.
Dapat piliin aniya ang mga ‘competitive’ na kandidato upang matulungan din nito ang kanyang mga constituents.
Tanging eleksyon lamang ang paraan upang maiwasan ang political dynasty, subalit, sa pag eendorso ng mga bababa na sa pwesto sa kanilang kapamilya o kamag-anak ang nagpapatuloy nito.
Gayunpaman, hayaan lamang tumakbo ang mga ito sa politika dahil ‘unfair’ din kung pipigilan ang mga ito.