DAGUPAN CITY- Nagkarambola ang tatlong sasakyan sa Provincial Road sa Brgy. San Vicente, sa bayan ng San Jacinto.
Ayon kay PMaj. Napoleon Velasco, Chief of Police ng San Jacinto PNP, kinilala ang drayber ng puting mini pick-up na si Ricardo Salenga jr., 52 anyos, aircon technician, kasama naman nito ang kaniyang assistant na si Germari De Luna, 20 anyos, parehong residente ng Brgy. Baritao, sa bayan ng Manaoag. Minamaneho naman ni Jessie Mandapat, 40 taon gulang, welder, residente ng Brgy. Libas, lungsod ng San Carlos ang pulang tricycle. Habang ang asul na motorsiklo naman ay minamaneho ni Marlon Vallera, 43 taon gulang, foreman, residente ng Brgy. Dumampot, sa bayan ng Asingan.
Base sa kanilang imbestigasyon at sa inilabas na CCTV Footage, nagmula sa bayan ng San Fabian ang mini pick-up patungong San Jacinto, habang ang motorsiklo at tricycle ay galing naman sa Poblacion, San Jacinto patungong San Fabian.
Aksidente umanong nabangga ng motorsiklo ang rear portion ng tricycle at naging sanhi ito ng pagkakabangga ng tricycle sa kasalubong nitong mini pick up.
Dahil sa nangyaring karambola, napataob ang tricycle. Nagtamo naman ng sugat ang drayber ng motorsiklo at ang drayber ng tricycle.
Agad naman silang dinala sa pagamutan sa bayan ng Mapandan upang mabigyan ng atensyong medikal.
Matapos mabigyan ang mga ito ng paunang lunas, nagkita kita ang mga ito sa San Jacinto PS upang mapag-usapan ang nangyaring insidente at npagkasunduan ng mga ito na walang mananagot.
Samantala, ito naman ang pangtlong naitalang vehicular Incident sa bayan ngayong linggo.
Gayunpaman, bumaba naman ang nasabing uri ng insidente sa nasasakupan ng San Jacinto PS kumpara noong nakaraang buwan.
Kaya ani PMaj. Velasco, pinapaigiting nila ang seguridad sa kakalsadahan partikular na sa pagpapatupad nila ng No Helment No Travel Policy para sa mga motorista.