BOMBO DAGUPAN – Inaanyayahan ng Region 1 Medical Center ang lahat na magdonate ng dugo ngayong National Blood Donors Month, upang mas madami ang makolektang suplay ng dugo para sa mga nangangailangan.

Ayon kay Gerald Dioquino Donor Recruitment Officer, National voluntary blood service program Region I Medical Center na ang dugong nakokolekta ay itinutulong o ibinibigay sa mga pasyente na nangangailangan kaya’t inaanyayahan niya ang lahat na magdonate ng dugo at upang makatulong na madugtungan ang buhay ng iba.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan aniya ay mas madami ang nangangailangan kaysa sa kasalukuyang suplay ng dugo na mayroon sila.

--Ads--

Ilan lamang sa mga nangangailangan ay mga buntis na katatapos lamang manganak, mga regular na nagdadialysis, mga may sakit sa bato, mga pasyente na naaksidente na kailangang masalinan ng dugo matapos ang operasyon, mga may sakit sa dugo o ang mga may kanser na kasalukuyang sumasailalim sa chemo therapy.

Nananawagan naman siya sa mga blood program coordinators o partners na magtawag ng potential donors kung saan ginaganap ang mobile blood donations upang maipalaganap ang mga aktibidad na kanilang isasagawa upang sa gayon ay madami ang makapunta.

Kabilang na diyan ang mga kailangang gawin o preparasyon bago makapagdonate ng dugo gayundin ang iskedyul at oras kung kailan ito gaganapin.

Ibinahagi niya na mainam na magkaroon muna ng 6-8 oras ng tulog, uminom ng madaming tubig upang kahit papaano ay mahydrate, iwasan muna ang pag-inom ng alak at paninigarilyo bago ang donasyon, at kung may nararamdamang sakit gaya na lamang ng ubo at sipon ay ipagpaliban muna ito.

Inaanyayahan nga niya ang lahat na makilahok at magtungo sa kanilang tanggapan para tumulong at magdonate ng dugo.