BOMBO RADYO DAGUPAN — Kinondena ng isang labor group ang “pro-capitalism” na pag-iisip ni National Economic and Development Authority (NEDA) Sec. Arsenio Balisacan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Kilusang Mayo Uno Secretary General Jerome Adonis, sinabi nito na hindi pa kailanman pumanig ang kalihim sa interes ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino.

Tinawag nito na “isang malaking panloloko” ang naging pahayag ni Sec. Balisacan sa pagbibigay ng P35 na umento sa sahod ng mga manggagawa na sinabi nitong magreresulta sa tanggalan ng hanggang sa 140,000 na mga manggagawa.

--Ads--

Sinabi ni Adonis na tila pinapalabas ng Kalihim na kasalanan pa ng mga manggagawa na humingi ng karagdagang sahod kung sa tutuusin ay nakabatay ito sa masusing pag-aaral at sa mga siyentipikong datos bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng mga panunahing bilihin at serbisyo.

Hindi lamang aniya sa usapin sa sahod ng mga manggagawa nagkukulang ng aksyon at ipinakikita ng NEDA ang kawalan ng malasakit sa mga mamamayang Pilipino, subalit gayon na rin sa usapin sa pagpapababa ng taripa sa imported na bigas.

Aniya na ang hakbangin kasi na ito ng pamahalaan at pagsuporta dito ng NEDA ay lalong maglulubog sa nakalugmok ng kalagayan ng mga magsasaka sa bansa.

Saad nito na maliban sa pagkatig ng gobyerno sa importasyon ay lalong wala silang naipakikita na malasakit at naibibigay na tulong sa mga lokal na magsasaka ng Pilipinas.

Dagdag nito na labis na nakalulungkot na mga ordinaryong Pilipino ang labis na apektado at dumaranas sa bunga ng kawalan ng malasakit ng pamahalaan sa kanilang nasasakupan.