BOMBO RADYO DAGUPAN — Hindi lamang isang malaking insulto, subalit napakalayo sa pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino.

Ganito isinalarawan ni Jerome Adonis, Secretary General ng Kilusang Mayo Uno ang P35 umento sa sahod ng mga minimun wage earners sa National Capital Region.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na sa pagkakataong ito ay pinatunayan ng Regional Wage Board na hindi sila maituturing bilang isang mekanismo na nakatuon sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa sa bansa.

--Ads--

Aniya na bunsod nito ay sabay nilang itataas sa nalalapit na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang mga demand ng taumbayan.

Saad nito na hindi sila umaasa na tutugunan ito ng Punong Ehekutibo, dahl naniniwala sila na ang opisyal ang nasa likod ng umano’y “pambabarat” sa taas-sahod ng mga manggagawa.

Giit nito na kinakailangan talagang rumesponde ng Punong Ehekutibo sa pangangailangan ng taumbayan at ito ay daoat aniyang ipakita ng Pangulo hindi sa salita, subalit sa kagyat na paggawa.

Pagdidiin pa nito na wala silang makitang malinaw na kategorya sa ginagampanan nitong papel lalo na’t ang darating na SONA ay ang ikatlo na nitong pagkakataon na humarap sa sambayanang Pilipino.

At sa loob ani Adonis ng dalawang taon nito sa Malacañan para maipakita nito ang dahan-dahang progreso sa bansa, ngunit wala sila aniyang nakikitang magagandang pagbabago na nakatuon sa kapakinabangan ng mga ordinaryong manggagawa at Pilipino.