BOMBO DAGUPAN – Iniutos ng senado na ma cite for contempt sina Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping at pitong iba pa dahil sa paulit-ulit na pag-iwas sa pagtatanong sa mga ilegal na aktibidad sa Philippine offshore gaming operators (POGOs).
Inisnab kasi ng mga ito ang subpoena na ipinadala ng Senado para dumalo sa pagdinig ngayong araw na ito.
Si Sen. Risa Hontiveros, chairman ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, ay naglabas ng desisyon sa magkahiwalay na mosyon nina Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada at Sen. Win Gatchalian.
Ipinagpatuloy ni Hontiveros nitong Miyerkules ang imbestigasyon sa mga naiulat na krimen na nauugnay sa mga POGO tulad ng human trafficking at torture.
Sinabi ni Hontiveros na iisyuhan nila ng warrant of arrest laban sa walong personalidad na inaasahan nilang agad na pipirmahan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Pinaiisyuhan naman ng subpoena ang ilan pang personalidad kabilang ang incorporators ng Lucky South 99 at mga opisyal ng iba pang korporasyon na nasasangkot sa operasyon ng POGO hub sa Bamban, Tarlac.
Sa pagdinig, nagkakaisa ang mga senador na hindi katanggap-tangggap ang excuse ni Mayor Guo kaugnay sa kanyang mental illness lalo na kung walang doktor na magsesertipika nito
Nauna nang nagpadala ng liham si Guo kay Committee Chairperson Risa Hontiveros kung saan naghayag ito na hindi makakadalo sa pagdinig dahil sa lumalalang sitwasyon ng kanyang mental health at mga banta sa buhay.