BOMBO DAGUPAN- Hindi nagkakalayo ang leukemia at anemia, bagkus, nagiging sanhi ang pagkakaroon ng anemia dahil sa leukemia.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Glenn Joseph Soriano, US Doctor at Natural Medicine Advocate, ang leukemia ay ang overproduction ng white blood cells habang under production naman ng red blood cells ang anemia.

Dahil sa sobra-sobrang produksyon ng white blood cells dulot leukemia, nagkakaroon naman ng kakulangan sa red blood cells na nagiging sanhi ng anemia.

--Ads--

Binigyan linaw ni Dr. Soriano na nagsisilbing antibiotic ang white blood cells kung saan ito ang lumalaban sa mga impeksyon sa katawan. Habang ang red blood cells ang nagdadala ng oxygen sa katawan.

Samantala, ang pagkakaroon ng leukemia ay nagiging sanhi ng pagkompromiso ng imune system ng isang tao.

At sa oras na magkaroon ng nasabing sakit ang isang indibidwal, makakaranas ito ng malabnaw na dugo, laging nahihilo, bagsak ang timbang, kaonting pagdudugo, at paglaki ng spleen o atay.

Maliban diyan, maaaring makaranas ng panginginig, pananakit ng ulo, at pagpapawis tuwing gabi na kahalintulad sa trangkaso.

At kapag ito ay lumala, apektado aniya ang buong katawan ng tao partikular na sa dinadaluyan ng dugo.

Kaugnay nito, mapabata man o matanda ay maaaring matamaan nito nakadepende na lamang sa ipinapakitang sintomas.

Subalit, wala umano itong kilalang nagdudulot nito at gamot nito kaya mas mabuti aniyang iwasan na lamang ang mga risk factors nito.

Kabilang na dito ang exposure sa radiation at sa mga kemikal.

Gayunpaman, mayroon pa rin mga surgery na makakatulong sa immunity ng isang tao tulad ng chemotherapy at stem cell transplantation.

Binigyan diin ni Dr. Soriano, wala man gamot ito subalit umaabot sa 65% ang success rate na makasurvive sa leukemia ang isang tao.