BOMBO DAGUPAN – Sinang ayunan ng Teachers Dignity Coalition ang pahayag ni pangulong Ferdinand Bong Bong Marcos na hindi gumanda ang employability ng mga K-12 graduate
Ayon kay Benjo Basas, national chairperson ng Teachers Dignity Coalition, hindi natupad ang pangako ng K12 na inaasahan na pagka-graduate ng estudyante ay ready na ito para sa employment.
Kaya kung nais aniya na maging maayos ang programa ay dapat matustusan ang pangangailangan ng sistema.
Una rito, sinabi ni PBBM na kailangan mag-adjust ng pamahalaan para tumaas ang tsansang makapasok sa trabaho ang mga senior high school.
Dahil dito, pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagkakaroon ng mga short course na tatlo hanggang anim na buwan sa isang taon.
Sa ngayon bagamat hindi pa nakakaupo si DEPED sec. Sonny Angara ay nakasuporta aniya ang
Teachers Dignity Coalition sa anumang plano at programa ng kalihim na ang layunin ay ayusin ang k – 12.
Samantala, binigyang diin din ni Basas na kailangan ng special training ng mga guro na magtuturo.