DAGUPAN CITY, Pangasinan — Umaasa ang Alliance of Concerned Teachers Partylist na isa sa bibigyang-pokus ni Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara ang MATATAG Curriculum ng Department of Education.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rep. France Castro, sinabi nito na hindi lang dapat basta ituloy ng panibagong Kalihim ng Edukasyon ang dating nasimulang programa ni Vice President Sara Duterte.

Aniya na sa halip ay nararapat itong mapag-aralan ng mabuti upang maisaayos ang kalakhang DepEd curriculum at sistema ng edukasyon sa bansa lalo na’t pilot study lamang ang ginawa para rito.

--Ads--

Giit nito na mas marami kasing mga paaralan ang apektado ng MATATAG Curriculum kumpara sa mga insitusyon na napili para sa pilot study nito.

Kaya naman mas mainam na sa halip na magsagawa ng simpleng pag-aaral dito ay dapat na siyasating mabuti ang sistema na ito bago ito ipagpatuloy at i-implementa para sa edukasyon ng mga mag-aaral.

Samantala, isa pa naman sa ninaais nilang isulong ni Sen. Angara ay ang pagtataas ng kanilang sahod at iba pang mga pangangailangan sa Kagawaran.

Sinabi ni Castro na mayroon namang pondo para sa kanilang matagal ng kahilingan.

Gayunpaman, wala pa talaga aniyang pinal na desisyon para sa ilalabas na pondo sa deliberasyon ng Kamara hinggil dito.

Ngunit itinuturing din nila itong magandang bagay upang masimulan din ang mahahalagang mga proyekto at pagtugon sa hanay ng edukasyon sa bansa.

Partikular nitong binanggit ang pangangailangan sa edukasyon gaya na lamang ng pagtatayo ng mga panibagong mga gusali para sa mga silid-aralan.

Kaugnay nito ay nasa pag-aaral na umano at nagpapatuloy na ang pagdinig sa Kamara kaugnay sa Expanded Government Assistance To Students And Teachers In Private Education Act (GASTPE).

Ang nasabing panukala ay naglalayong magbigay ng expanded voucher o coupon system sa Secondary at Tertiary Education, na ngayon ay pinag-aaralang gawin sa elementarya.