DAGUPAN CITY, Pangasinan — Naniniwala ang grupo ng mga kaguruan na nararapat lamang na muling mapag-aralan ang K-12 curriculum.

Ito ay kasabay ng pag-upo ni Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara bilang bagong Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon.

Binigyang-diin ito ni Alliance of Concerned Teachers Partylist Rep. France Castro sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan.

--Ads--

Aniya na napapanahon na ring muling mapag-aralan at i-overrule ang K-12 Program na nagdulot lamang ng kalituhan sa pag-aaral ng mga estudyante.

Saad nito na sa mga nakalipas kasi na taon at pamunuan ng Kagawaran ay natugunan lamang nito ang pagdagdag-bawas ng hindi makabuluhang mga aralin at competencies ang edukasyon ng mga mag-aaral.

Dagdag nito na bagamat hindi nila inaasahan na isa ito sa magiging prayoridad ng Senador ay umaasa naman sila na kasabay ng pagpapalit sa liderato ng Kagawaran ay naisip din ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. na konsultahin ang mga guro kaugnay sa usapin.

Partikular na nga rito, pagdidiin ni Rep. Castro, ang maigting na pagsasaayos sa curriculum at sistema ng edukasyon sa bansa.

Matagal na kasi aniya nila itong isinusulong sa Senado at Kamara sa layong maibalik ang mga mahahalaga at kinakailangang mga asignatura gaya na lamang ng Philippine History bilang dedicated subject.

Ani Rep. Castro na mayroon na kasing panukala na nag-uutos na maibalik ang Philippine History bilang hiwalay na asignatura partikular na sa Sekondarya.

Gayon na rin aniya ang pagtatanggal sa Mother Tongue bilang isang asignatura mula Baitang I hanggang III.